
CAUAYAN CITY – Ang karapatan at kalayaan sa ilalim ng Saligang Batas kabilang ang privacy at kalayaan sa pagbiyahe ay hindi absolute dahil sa ilalim ng emergency, national security at sa kabutihan ng publiko ay may kapangyarihan ang pamahalaan na limitahan ang mga traditional rights.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Domingo Cayosa, dating pangulo ng Integrated Bar of the Philipines (IBP) na ngayong nararanasan ang COVID-19 pandemic ay maaaring magpalabas ang pamahalaan ng mga alintuntunin para ma-contain ang pandemya.
Dahil dito ang No Vaccine, No Ride Policy ay nasa poder ng pamahalaan at kung may mga agrabyado, ang maaaring titingnan ay kung makatwiran ang polisiya.
Ayon kay Atty. Cayosa, ang paglimita sa karapatan ng mga mamamayan ay dapat nakaangkla sa batas, ordinansa o administrative rule.
Ito ay dapat na para sa kapakanan ng publiko at may sapat na batayan.
Ayon kay Atty. Cayosa, noong una ay hindi pa sapat ang bakuna ngunit ngayon na marami na ay masasabi ng pamahalaan na makatwiran ang polisiya.
Gayunman, dapat may malinaw na batas ang pamahalaan dahil administrative order lang ng DOTR ang umiiral ngayon.
Dapat tugunan ng pamahalaan ang mga ayaw magpabakuna dahil sa kanilang kalusugan at reliyon.
Ang iba ay nasa unang dose pa lamang dahil mabagal ag kanilang LGU sa vaccination rollout.
Dapat ding malinaw sa pamahalaan sakaling may mahuli, may exemption ba at kung sino ang mananagot kung ang pasahero o may-ari ng sasakyan at kung ano ang magiging parusa.
Dapat magkaroon ng malinaw na panuntunan para mahikayat na sumunod ang lahat.
Nagkakaroon aniya ang kalituhan dahil sa pag-alma ng ilang sektor sapagkat hindi masusing napag-aralan ang practical at scientific basis ng polisiya.










