CAUAYAN CITY – May posibilidad na maisailalim sa alert level 4 ang ilang lugar sa ikalawang rehiyon kapag hindi hinigpitan ang mga ipinapatupad na health protocols.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Grace Santiago, bagong Regional Director ng Department of Health (DOH) region 2 na hindi lamang ang dami ng kaso ng COVID-19 ibinabatay ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung iaakyat ang alert level status sa isang lugar kundi sinusuri ang ilang indicators.
Kung hindi aniya higpitan nang husto ang pagpapatupad sa mga health protocols ay malamang na isasailalim sa alert level 4 ang ilang lugar sa ikalawang rehiyon 2.
Umaapela ang DOH region 2 sa mga Local Government Units (LGU) na paigtingin pa rin ang mga minimum health Standards.
Sinabi ni Dr. Santiago na kapansin-pansin na marami ang hindi nagsusuot ng face mask at hindi sumusunod sa physical distancing.
Ayon kay Dr. Santiago, dapat mag-ingat pa rin ang mga nabakunahan kontra COVID-19 at huwag magtiwala dahil maaari pa ring makahawa at mahawaan ng iba’t ibang infection.
Ayon kay Dr. Santiago karamihang kaso ay nagkahawaan sa loob ng bahay.
Mabilis aniya ang transmission dahil may mga kaso na ng Omicron variant sa rehiyon dos.
Sa mga may sintomas na tumatangging sumailalim sa swab test na tiyaking magself- isolate.
Samantala, ang Cagayan at Tuguegarao City ay nasa high risk ICU utilization habang ang City of Ilagan ay nasa ilalim ng critical risk sa health care utilization rate at ang Santiago City ay nasa high health care utilization rate .
Inihayag ni Collaborating Centers for Disease Prevention and Control Assistant Head Shiela Marie Villamil ng DOH region 2 na lahat ng lalawigan sa rehiyon ay nakitaan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo kumpara sa mga nagdaang dalawang linggo.
Ang mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino kabilang ang mga Lunsod ng Tuguegarao, Ilagan, Cauayan at Santiago ay nasa critical risk classification.
Ang naturang datos ay binabantayan ngayon ng DOH Region 2 katuwang ang Regional Task Force at RIATF .











