CAUAYAN CITY – Isinagawa ang misa at pag-aalay ng mga bulaklak o wreath laying ceremony sa Police Regional Office (PRO2) sa Tuguegarao City bilang bahagi ng paggunita ng ikapitong anibersaryo ng Mamasapano encounter sa Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao noong January 25, 2015.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt Col. Efren Fernandez, Information Officer ng PRO2 na kaninang alas singko ng umaga ay isinagawa ang misa sa regional headquarters.
Anim na kasapi ng PNP SAF na taga-region 2 ang kabilang sa 44 na nasawi sa pakikipaglaban sa mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa bayan ng Mamasapano.
Naging panauhin sa aktibidad ng PRO2 si PLt Gen. Rhodel Sermonia, chief ng PNP Directorial Staff na nanguna sa pag-aalay ng mga bulaklak.
Kasabay ito ng inagurasyon ng PRO2 Heroes Memorial Headstone.
Ayon kay PLt Col, Fernandez, hindi lang SAF 44 ang mga binibigyang pagkilala ang mga kabayanihan kundi ang marami pang pulis na nagbuwis ng buhay sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Aniya, hindi lang sa PRO2 ginaganap ang paggunita sa Mamasapano encounter kundi maging sa Kampo Krame at iba pang regional headquarters ng PNP.






