
CAUAYAN CITY – Dalawa ang patay sa banggaan kagabi ng motorsiklo at closed delivery van sa barangay Sinamar Sur, San Mateo, Isabela.
Ang mga nasawi ay ang dalawang lulan ng motorsiklo na sina Jefferson Batara at Jonathan Ballesteros habang ang tsuper ng delivery van ay si Crisanto Fernando, residente ng Aurora, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Crisanto Fernando na habang binabagtas niya ang lansangan sa barangay Sinamar Sur ay bigla na lamang sumulpot ang isang motorsiklo na kinalululanan ng mga biktima.
Galing aniya sa isang kanto at diretso sa pambansang lansangan ang mga biktima at gusto man niyang iwasan ay wala na siyang nagawa.
Dinala sa ospital sina Batara at Ballesteros ngunit binawian ng buhay dahil sa malalang sugat sa kanilang katawan.
Napag-alaman na nasa impluwensiya ng alak ang mga biktima.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng San Mateo Police Station si Fernando.




