
CAUAYAN CITY – Itinuturing ng Regional Crop Pest Management Center ng Department of Agriculture (DA) region 2 na kontrolado na ang naitatalang pag-atake ng mga rice black bug sa mga pananim na palay sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Science Research Specialist Minda Flor Aquino ng Regional Crop Pest Management Center RCPMC) ng DA region 2 na ngayong buwan lamang ng Enero nadagdagan ang naitalang naapektuhan ng rice black bug na 602 hectares.
Mayroon aniyang naidagdag na sinalanta ng rice black bug na 1.24 hectare noong January 21, 2022 na naitala sa dalawang bayan sa Quirino at tatlong bayan sa Nueva Vizcaya.
Sinabi pa ni Science Research Specialist Aquino na naging maagap ang kanilang pagtugon sa pag-atake ng mga rice black bug kayat hindi na nadagdagan pa at partially damaged lamang ang tinamo ng mga pananim
Madali lamang anyang masugpo ang rice black bug kapag naagapan at hindi dapat pabayaan.
Dapat na maging mapagmasid at suriin ng mga magsasaka ang kanilang pananim na palay at kapag may nakitang kakaiba o peste ay agad iulat sa tanggapan ng DA sa kanilang lugar.
Nakahanda namang magbigay ng tulong ang pamahalaan sa mga magsasakang naapektuhan ng peste ang kanilang mga pananim.










