
CAUAYAN CITY – Dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang pamilya ng isang binatlyo na nawawala matapos diumanong damputin ng ilang pulis sa isang computer shop sa barangay San Fermin, Cauayan City.
Ang nawawalang menor de edad ay si Jay-Ar Gacayan alyas Buturog, 14 anyos at residente ng Alicaocao, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Michelle Gacayan na bago napaulat na nawawala ang kanyang kapatid ay nagpaalam noong umaga ng January 16, 2022 na pumasok sa trabaho bilang kargador sa palengke.
Napag-alaman nila na dakong alas tres ng hapon ay dinampot umano ng 5 pulis sa isang computer shop at isinakay sa isang pick-up na kulay itim na walang plaka ngunit pinakawalan din siya kinaumagahan.
Huling nakita ang kanyang kapatid noong gabi ng January 17, 2022 na nakipag-inuman pa sa mga kapwa kargador sa palengke ngunit sinasabing sinundan umano siya ng mga pulis at hindi na nakauwi sa kanilang bahay.
Inamin ni Michelle na may mga record ng pagnanakaw ng baterya ng sasakyan ang kanilang kapatid dahil sa impluwensiya ng barkada.
Sinabi pa ni Michelle na halos dalawang linggo nang nawawala ang kanyang kapatid at hindi na sila umaasang buhay dahil nagpaparamdam gabi-gabi sa pamamagitan ng panaginip at humihingi ng saklolo.
Nais na lamang ng kanilang pamilya na may magbigay sa kanila ng impormasyon sa kinaroroonan ng kapatid buhay man o hindi.
Si Jay-ar Gacayan ay matangkad, payat at nang huling makita ay nakasuot ng itim na t-shirt, shorts na yellow at kulay blonde ang buhok.
Ang bahagi ng pahayag ni Michelle Gacayan




