
CAUAYAN CITY – Iniimbestigahan na ng Roxas Police Station ang pagkalat ng pekeng 1000 peso bills at 500 peso bills na ginamit na pambili sa mga tindera malapit sa isang mall sa Roxas, Isabela .
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Rassel Tuliao, hepe ng Roxas Police Station na ngayong araw ay -irereview nila ang kuha ng CCTV ng Centro Mall.
Isang tindera malapit sa mall ang nakapansin na peke ang isang libong pisong papel na ibinili sa kanya.
May ilan pang tindera ang nabiktima ng peke ang pera na ipinambili sa kanilang mga paninda.
Ayon kay PMaj Tuliao, umabot sa limang tindera ang nagtungo sa kanilang himpilan para isumbong ang pekeng pera na kanilang natanggap mula sa ilang mamimili.
Isinuko sa kanila ang mga pera at batay sa kanilang pagsusuri ay peke ang mga ito.
Sinabi ng isang tinderang nabiktima na may isang tao na bumili sa kanya ng gulay na 100 pesos ang halaga ngunit 1,000 pesos ang kanyang pera.
Iniwan muna ang binili ngunit hindi na binalikan.
Ayon kay PMaj Tuliao, sa pamamagitan ng pagreview sa kuha ng CCTV ng mall ay maaaring matukoy ang mga taong gumamit sa pekeng pera na pambili sa produkto ng mga nabiktimang tindera.
Ayon kay PMaj Tuliao, ang isinuko sa kanilang mga pekeng pera ay apat na 1,000 peso bills at isang 500 pesos.
Dahil dito ay nagsagawa sila ng Oplan Tambuli at pinagsabihan nila ang mga barangay kapitan sa pamamagitan ng kanilang group chat na magbigay ng impormasyon at babala sa kanilang mga barangay hinggil sa kumakalat na pekeng pera.
Kung may mabiktima sa mga barangay ay agad aniyang ipabatid sa himpilan ng pulisya.




