CAUAYAN CITY – Puntirya umano ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang 10 na pulitiko sa Cagayan na kausapin para sa kanilang extortion activities may kaugnayan sa nalalapit na halalan sa Mayo 2022.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Deputy Regional Director Camilo Rueco ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) region 2 na nagsasagawa pa sila ng validation sa nakuha nilang impormasyon na balak ng mga NPA na makipag-ugnayan sa mga pulitiko sa bahagi ng Cagayan,
Sa ibang bahagi ng ikalawang rehiyon aniya ay wala pa silang nakukuhang impormasyon .
Ayon kay Deputy Regional Director Rueco, ibibigay ng NICA region 2 ang mga nakalap na impormasyon sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang mapigilan ang hakbang ng mga rebelde may kaugnayan sa nalalapit na halalan.
Posibleng kikilos ang mga rebelde upang makapagbigay ng permit to campaign at permit to win sa mga pulitiko ngunit mapipigilan ito sa pakikipagtulungan ng mga residente na isumbong sa mga otoridad ang nakikitang pagkilos ng mga rebelde.
Hindi dapat magpadala ang mga residente at pulitiko sa pananakot ng mga rebelde dahil mahina na ang kanilang puwersa sa rehiyon.






