
CAUAYAN CITY – Naniniwala ang isang dating Commissioner ng Commission on Elections (Comelec) na in good faith ang pagbubunyag ni Commissioner Rowena Guanzon sa kanyang boto sa disqualification case laban kay presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty Armando Velasco, retired Comelec Commissioner na magreretiro na si Commissioner Guanzon sa February 2, 2022 at kapag ilabas ng 1st Division ang desisyon sa disqualification case na nakaretiro na siya ay hindi na kasali ang kanyang boto.
Nauna rito ay ibinunyag ni Guanzon na bumoto siya ng pabor sa disqualification case laban kay Marcos at isinumite ito noong January 17, 2022 .
Ayon kay Atty. Velasco, naantala ang pagpapalabas ng desisyon ng 1st Division ng Comelec kaya inihayag ni Guanzon ang kanyang boto bago siya magretiro.
Gayunman, dapat itinago muna ni Commissioner Guanzon ang kanyang boto hangga’t wala pang promulgasyon ang kanyang Division.
Ang dapat aniyang ginawa ni Guanzon ay himukin ang mga kapwa Commissioner ng 1st Division na ilabas na ang desisyon bilang paggalang sa mga kasama.
Posible aniyang may nakitang pumipigil sa pagpapalabas ng desisyon kayat inunahan na ni Guanzon at ibinunyag ang kanyang naging boto sa disqualification case laban kay Marcos.










