--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinapalakas  ng  5th Infantry Division Philippine Army ang kanilang pwersa para makamit ang kapayapaan at katahimikan sa kanilang nasasakupan kasabay ng kanilang pagbuo ng bagong battalion.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Captain Rigor Pamittan, DPAO Chief ng 5th ID na sinimulan nang buuin ang 102nd Infantry Battalion na makakasama ng ibang units ng 5th Infantry Division Phil. Army sa kampanya kontra insurhensiya sa kanilang nasasakupan pangunahin na  sa Lambak ng Cagayan at Cordillera Administrative Region.

Inihayag ni Captain Pamittan na si Lt. Col. Lemuel Baduya ang itinalagang magiging Acting Battalion Commander ng 102nd  IB.

Aniya, nasa mahigit 450 personnel ang kailangan para tuluyan nang masimulan ang kanilang organizational training.

--Ads--

Sinabi pa ni Captain Pamittan na pagkatapos ng isasagawang assessment at training ay dito pa lamang malalaman ang kanilang magiging Area of Operation.

Umaasa ang pamunuan ng 5th ID na sa pagkakaroon nila ng karagdagang puwersa ay mas lalong malilimitahan ang paggalaw ng mga rebeldeng NPA sa kanilang nasasakupan.

Puntirya  nilang  bago matapos ang taong 2022 ay mabuwag na ang puwersa ng East Front at West Front ng Komiteng Probinsiya ng Cagayan  sa ilalim ng Komiteng Rehiyong Cagayan Valley.

Pinagtutuunan din nila ng pansin ang mga natitirang kasapi ng Central Front ng Komiteng Probinsiya ng Isabela.

Ang bahagi ng pahayag ni Army Captain Rigor Pamittan.