
CAUAYAN CITY – Pagtutuunan ng pansin ng 5th Infantry Division Philippine Army (5th ID, PA) ang permit to win, permit to campaign scheme ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) upang makalikom ng pondo mula sa mga kandidato ngayon panahon ng kampanya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Army Capt. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) sa Isabela at sa Cordillera Administrative Region (CAR) upang matiyak ang seguridad sa pagsisimula ngayong araw ng campaign period ng mga national candidates.
Ayon kay Capt. Pamittan pangunahin nilang binabantayan ang maaaring pagkilos ng mga NPA sa kampanya ng mga kandidato pangunahin na ang kanilang permit to win, permit to campaign scheme upang makalikom ng pondo mula sa mga kandidato.
Hinimok ni Capt. Pamittan ang mga kandidato na hinihingan ng permit to win, permit to campaign na makipag-ugnayan sa mga sundalo upang mapigilan ang masamang gawain ng mga rebelde.
Sa ngayon ay wala pa naman aniyang kandidato na inaalok ng mga rebelde sa kanilang permit to win, permit to campaign scheme.




