
CAUAYAN CITY – Tumaas ang mga kaso ng COVID-19 sa Batanes at halos lahat ng mga bayan ay may mga kaso.
Umabot sa 184 ang mga aktibong kaso sa lalawigan dahil sa naitalang community transmission.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Roldan Esdicul na dati nang may community transmission ng COVID-19 sa kanilang lalawigan.
Nakokontrol ang mga kaso ngunit muling tumataas kung nagpapabaya ang mga tao sa pagsunod ng mga health protocol at nagkakaroon ng hawaan.
Ito ay bunga rin ng pabagu-bagong klima sa Batanes kaya may mga nagkakaroon ng sakit tulad ng sipon, ubo at lagnat.
Ayon kay Ginoong Esdicul, mayroon nang kaso ng Omicron variant sa Batanes batay sa resulta ng pagsusuri ng Philippine Genome Center sa mga ipinadalang swab test ng mga nagpositibo sa COVID-19.
Muli aniyang magpupulong ang mga kasapi ng Provincial Inter-Agency Task Force o (PIATF) para pag-usapan ang mga ipatutupad na health at safety protocol ngayong may kaso na ng Omicron variant sa Batanes.
Layunin din nitong mahadlangan ang pagtaas pa ng kaso ng COVID-19 sa naturang lalawigan.










