
CAUAYAN CITY – Puntirya ng DOH Region 2 na mabakunahan ang mahigit 171,000 sa isasagawang National Vaccination Day Phase 3 simula ngayong araw hanggang bukas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Nica Taloma, cluster Head ng Collaborating Centers for Disease Prevention and Control ng DOH Region 2 na ang bakunahan ay bukas para sa edad labing dalawa pataas na sasailalim sa first dose, second dose at maging ang booster dose.
Ito anya ay bukas para sa lahat at gagamitin ang lahat ng mga brand ng bakuna na available.
Puntirya nilang mabakunahan ang 171,725 ngayong araw ng Huwebes hanggang bukas, araw ng Biyernes.
Samantala, sa araw ng Lunes, ikalabing apat ng Pebrero o araw ng mga puso ay sisimulan nila ang pagbabakuna sa pediatric age group para sa edad lima hanggang labing isa.










