--Ads--

CAUAYAN CITY– Umabot na sa mahigit 200 sasakyan ang naimpound sa Land Transportation Office (LTO) Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OIC Deo Salud ng LTO Cauayan City, sinabi niya na ang karamihan sa naipong sasakyan sa kanilang impounding area ay ang mga hindi na tinubos ng mga nahuling violators sa batas trapiko.

Karamihan sa mga naimpound ay mga single motorcycle at ilang kolorum na sasakyan.

--Ads--

Kadalasan sa mga nahuhuli ay impoundable offense tulad ng walang maipakitang rehistro ng sasakyan at mga walang lisensya.

Makukuha lamang ng may ari ang naimpound na sasakyan kung mababayaran ang multa sa kanilang naging paglabag sa LTO.

Marami ang hindi na tinutubos pa ang mga sasakyan kaya maraming naipon sa impounding area.

Ayon kay OIC Salud kung tutuusin ay mas mahal pa ang multa sa presyo ng mga sasakyan kaya mas minabuti na lamang ng mga violators na hindi na tubusin pa ang kanilang mga sasakyan.

Binibigyan naman ng LTO ang mga may ari ng anim na buwan para ayusin ang kanilang paglabag ngunit kapag lumagpas na ito sa anim na buwan ay “for bidding” na ang sasakyan.

Ayon kay OIC Salud, mapupunta ang mapagbebentahan sa pamahalaan at bago ang bidding ay magbibigay muna ng notice ang LTO sa may ari sakaling nais pa nitong tubusin ang sasakyan.

Mabibigyan naman ng papeles ang mananalo sa bidding upang magamit sa pagpaparehistro nito at matiyak na sila na ang may ari ng sasakyan.

Aniya kada taon ang bidding ngunit dahil nagkaroon ng pandemya kaya hindi ito natuloy noong nakaraang taon.