
CAUAYAN CITY – Isang Ginang ang namatayan ng alagang baboy sa barangay San Luis at hinihinala nitong namatay ang mga ito dahil sa African Swine Fever o ASF.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Evelyn Pauig, residente ng San Luis, Cauayan City na noong Martes ay bumisita siya sa bahay ng kanyang pinsan sa Barangay Tagaran.
Ikinuwento ng kanyang pinsan na namatayan ng inahing baboy at mga biik at sinabing ASF ang sanhi ng pagkamatay ng kanyang alaga.
Pag-uwi ni Ginang Pauig sa kanilang bahay sa hapon ng Martes sa barangay San Luis ay hindi na siya nagbihis at pinakain na ang kanyang alagang inahing baboy.
Noong Miyerkoles ng umaga ay hindi na kumain at umiinom ang kanyang alagang inahin.
Nakitaan din ni Ginang Pauig ng maraming pantal ang kanyang baboy at nang tanungin ang pinsan ay gayundin ang nangyari sa kanyang baboy.
Nagpasya silang ilibing ang kanilang alagang inahing baboy matapos iulat sa kanilang Barangay Kagawad, City Veterinary Office at DA.
Ayon kay Ginang Pauig, hinala niyang nakuha niya ang ASF sa lugar ng kanyang pinsan na namatayan ng baboy at nailipat sa kanyang alagang inahin.










