
CAUAYAN CITY – Pinaalalahan ng Department of Tourism (DOT) Region 2 ang mga mamamasyal ngayong Valentines day na sumunod pa rin sa mga health protocols.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Director Fanibeth Domingo ng DOT Region 2 na ngayong darating na Valentines day ay ipapatupad pa rin ang mga protocols na inilabas ng DOT at nang Inter-Agency Task Force (IATF) na hindi puwedeng mag-operate ang mga accomodating establishments o lahat ng mga tourism related interprises kung wala silang DOT accreditation.
Ang hiling lamang nila sa mga local government unit (LGU) ay ibigay sa DOT ang bilang ng mga nabakunahan na sa kanilang lugar na tourism worker.
Hindi aniya sila mamimili ng magtatrabaho na tourism worker pero gusto lamang nilang ipabatid na kung bakunado ang mga kustomer ay dapat bakunado rin sila.
Sa ngayon, bukod sa listahan ng mga nabakunahang tourism worker ay hinihiling na rin nila sa LGU ang bilang ng mga tourism worker sa kanilang lugar na nakabooster na.
Ayon pa kay Regional Director Domingo, nakadepende sa umiiral na alert level sa isang lugar ang mga ipapatupad na panuntunan.
Kung nasa alert level 3 aniya gaya sa Isabela at Cagayan ay 30% lamang ang papayagan sa indoor at ang outdoor naman ay 50%.
Madadagdagan pa ito ng 10% kung ang LGU ay naabot na ang 70% na vaccination level.
Nakadepende naman sa mga LGU kung irerequire nila ang mga turista na magpakita ng RT PCR test result.
Paalala niya sa mga mamamasyal na dalhin lagi ang vaccination card at ang kopya ng kanilang booster card o di kaya ay mag-apply sa vaxcert.ph dahil sa buong Pilipinas na ito.










