--Ads--

CAUAYAN CITY – Muling pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang mga negosyante may kaugnayan sa mga umiiral na suggested retail price (SRP) ng mga pangunahing bilihin.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Technical Assistant Mel Mari Angelo Laciste ng Consumer Protection Division ng DTI Isabela, sinabi niya na una nang nagpalabas ng updated Suggested Retail Price Bulletin at natanggal sa listahan ang ilang mga produktong nagtaas ng presyo dahil sa mataas na aquisition cost at mataas na presyo ng raw materials.

Nagsasagawa na rin ng buwanan at weekly monitoring ang DTI Isabela sa mga lugar na itinuturing na growth areas, kabilang ang Cauayan City na pangunahing binabantayan ng tanggapan ang paggalaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Aniya, bagamat normal ang pagtaas ng bilihin ay pinapayuhan ng DTI Isabela ang mga negosyante na iwasan ang labis na pagtaas ng presyo sa halip ay makipagtulungan sa DTI sa pag-stabilize ng presyo ng bilihin.

--Ads--

Nilinaw naman ng DTI na bagamat may ilang naitatalang pagtaas ng presyo na lagpas sa SRP ay hindi ito nangangahulugan na agad mapapatawan ng paglabag ang negosyante, gayunman maaari itong maging ground bilang pangloloko sa consumer.

Nagpaalala ang DTI Isabela may kaugnayan sa paggamit o pagbili ng mga produkto sa mga online shopping sites partikular ang ilang mga nag-aalok ng murang produkto subalit kadalasang magkaiba ang nasa litrato sa mga ibinebenta o tatangapin ng mga mamimili.

Ayon kay Laciste, bilang tugon ay nakikipag-ugnayan na rin ang DTI sa  iba’t ibang online shopping plotforms upang agad na maipaabot ang mga reklamo o hinaing sa mga nabibiling produkto mula sa ilang online sellers.

Tinig ni Technical Assistant Mel Mari Angelo Laciste ng Consumer Protection Division ng DTI Isabela.