--Ads--
Y

CAUAYAN CITY – Nagsimula na sa pagbabaklas ang mga otoridad sa pangununa ng Commission on Elections (Comelec) sa mga campaign posters ng mga kandidato na inilagay sa mga ipinagbabawal na lugar.

Sa pangunguna ng Comelec Santiago City, katuwang ang mga kasapi ng Philippine National Police (PNP), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay sinimulan ang Oplan Baklas at hinati sa apat ng grupo.

Pangunahing minomonitor ang mga lugar sa mga main road sa Dubinan East, Calao East, Rizal, Sinsayon hanggang Divisoria at sa bahagi ng Bannawag.

Ilan sa mga tinanggal ng mga otoridad ay mga oversized na tarpaulin at naging pahirapan ang pagtanggal sa ilan sa mga ito dahil malapit na sa kawad ng kuryente.

--Ads--

Matapos ang pagbabaklas ay iipunin ang mga natanggal na campaign materials sa tanggapan ng Comelec para sa safekeeping at aalamin pa kung ito ay sisirain o isasauli sa mga may-ari ng campaign materials.

Ipinapaliwanag ng mga otoridad sa mga mamamayan pangunahin na ang mga tagasuporta ng mga kandidatong natanggal ang campaign posters ang nilalaman ng resolusyong ng Comelec tungkol sa mga ipinagbabawal na lugar upang hindi sumama ang loob ng mga ito.