
CAUAYAN CITY – Magpapatuloy sa susunod na linggo ang face-to-face classes ng ilang paaralan sa Cauayan City matapos na isailalim sa alert level 2 ang lalawigan ng Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Schools Division Superintendent Alfredo Gumaru Jr. ng Department of Education (DepEd) Cauayan City, sinabi niya na makakapagsimula na muli ang De Vera Elementary School, Villa Flor Elementary School, Casa Fuera Elementary School, Maligaya Elementary School Annex at Pinoma National High School sa kanilang face-to-face classes.
Natigil ito noong nakaraang taon matapos na tumaas muli ang mga kaso ng Covid-19 sa lunsod.
Ayon pa kay Dr. Gumaru patuloy din ang kanilang assessment sa 20 pang eskwelahan na posible ring makapagsimula ng limited face-to-face classes.
Kasalukuyan din ang assessment para sa face-to-face classes ng mga grade 7 hanggang grade 12.
Titingnan muna ng SDO Cauayan City kung sapat na ang kakayahan ng mga itong magsagawa ng face-to-face classes pangunahin na ang mga guro at pasilidad sa eskuwelahan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Ang mga dating estudyante pa rin na napabilang sa unang isinagawang face-to-face class ang magpapatuloy sa klase sa susunod na linggo at madadagdagan lamang ng grade 4, 5 at 6.
Maaring sa umaga ang pasok ng mga kinder hanggang grade 3 at panghapon naman ang mga grade 4 hanggang grade 6.
Ayon kay Dr. Gumaru, alternate ang gagawing sistema at nasa 15 lamang ang bilang ng mag-aaral sa isang classroom.
Kailangan itong maipatupad upang masunod pa rin ang social distancing at maiwasan ang hawaan ng Covid-19.
Kahit magkakaroon na ng face-to-face classes ay mananatili pa rin ang blended learning para sa mga mag-aaral.




