
CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Police Regional Office 2 o PRO2 na walang pulis na sangkot sa naganap na drag racing sa San Jose, Baggao na ikinasugat ng tatlong tao matapos na araruhin ng isa sa mga kotse ang mga manonood na nasa gilid ng kalsada.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Efren Fernandez, Information Officer ng PRO2, sinabi niya na nagkaroon ng exhibition show ang Baggao Lancer Elite Club bilang bahagi ng kanilang anniversary celebration sa Barangay San Jose na may pahintulot ang LGU na dinaluhan din umano ng inimbitahang mga pulitiko.
Ayon kay PLt. Col. Fernandez sariling desisyon ng dalawang miyembro ng naturang grupo na sina Renato Soriano na lulan ng Lancer at KC Lazaro na sakay ng Toyoto Corolla na magkarerahan matapos ang kanilang grand rally parade.
Aniya, makikita rin sa naturang video na nasa lugar si PStaff Sgt. Tim Niasto dahil kabilang sa tungkulin nito ang magbigay ng seguridad sa lugar bilang patrol officer tuwing may ginaganap na parada.
Isa sa nakikitang sanhi kung bakit rumampa at dumiretso sa mga manonood ang Lancer ay dahil nawalan ng kontrol sa manibela ang tsuper nito matapos na muntikan nang bumangga sa Toyota Corolla.
Nagtamo ng sugat sa katawan ang tatlong indibiduwal kabilang ang dalawang menor de edad na agad nadala sa Baggao District Hospital.
Matapos ang insidente ay agad na dinala sa Baggao Police Station ang dalawang tsuper na sangkot sa naturang aksidente na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in slight physical injuries and damage to property.
Depensa ni PLt. Col. Fernandez na walang kapabilidad ang mga assign police personnel na pigilan ang hindi inaasahang drag race dahil maging sila ay nabigla rin sa pangyayari dahil hindi ito kabilang sa inorganisang aktibidad ng naturang grupo.
Muling nagpaalala si PLt. Col. Fernandez sa publiko na maging patas sa pagkuha at pagpapalabas ng video sa social media at tiyaking maipapakita ang buong pangyayari dahil hindi rin maganda sa imahe ng pulisya ang mga sinasabing sangkot o may kinalaman ang mga itinatalagang PNP Personnel sa naturang gawain.
Paalala niya sa mga indibiduwal na mahilig sa drag race na gawin ito sa tamang lugar tulad ng mga race track at hindi sa mga matataong lugar o makikipot na kalsada upang maiwasan ang aksidente.










