--Ads--

CAUAYAN CITY – Puntirya ng National Food Authority o NFA Region 2 na maabot ang target na higit isang milyong bags ng palay sa kanilang procurement ngayong taon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Oliver Cambas ng NFA Region 2, sinabi niya na ang mga warehouse ng NFA ay bukas para sa pagtanggap ng aning palay ngayong summer season at mananatili ang buying price na labing siyam na piso kada kilo.

Nilinaw ni Regional Director Cambas na sa ngayon ay wala silang price stabilization at tanging buffer stocking ang kanilang ginagawa kaya lahat ng mga tinatanggap nilang sariwa o basang palay na malapit ng masira o makitaan ng deterioration ay agad na ginigiling at ibinebenta.

Ang pagbili naman ng sariwa o basang palay ay nakabatay sa kakakayahan ng kanilang mechanical driers dahil sa kasalukuyan ay nasa isang libo hanggang dalawang libong bags ng palay lamang ang kayang patuyuin ng NFA gamit ang kanilang mechanical dryer para sa lalawigan ng Isabela.

--Ads--

Batay sa kanilang datos ay naabot ng NFA region 2 ang isang milyong bags ng palay procurement noong nakaraang taon at puntirya nila ang 1.3 million bags ngayong  taong 2022 o katumbas ng 900,000 bags kada buwan.

Sa ikalawang rehiyon ay umaabot na sa 1,400 per day ang bilang ng mga magsasakang nagbebenta ng kanilang aning palay sa kanilang tanggapan at pinakamarami rito ay sa Cagayan.

Sinimulan na rin ng NFA ang pagtatalaga ng mga tauhan na magtutungo sa mga bukid upang mamili ng aning palay.

Ang bahagi ng pahayag ni Regional Director Oliver Cambas.