CAUAYAN CITY – Nadagdagan ng isandaang paaralan ang nagsasagawa ng face to face classes sa rehiyon dos matapos maibaba na ang alert level sa rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Amir Aquino, tagapagsalita ng DepEd Region 2 na matapos isailalim sa alert level 2 ang mga lalawigan sa rehiyon ay nadagdagan ng isang daang paaralan ang nagsasagawa ng face to face classes.
Bago anya isagawa ang face to face classes ay mayroong mga panuntunan na sinusunod tulad na lamang ng pagsang-ayon ng LGUS, boluntaryo ang mga papasok na mga mag-aaral at dapat nakapasa ang mga paaralan sa assessment at nasa ilalim ng alert level 1 at alert level 2.
Ang unang sampong paaralan na nagsagawa ng face to face classes ay nadagdagan ng isang daang paaralan.
Maari pang madagdagan ito sa mga susunod na buwan dahil may mga paaralan pang kasalukuyang sumasailalim sa assessment.
Sa ngayon ay sumasailalim sa assessment ang labindalawang paaralan ng SDO Batanes, labing siyam sa SDO Cagayan, Sampo sa SDO Cauayan City, apatnaput anim sa SDO Ilagan City, walo sa SDO Isabela, tatlo sa SDO Nueva Vizcaya at dalawang paaralan sa SDO Santiago City.










