--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan ng tulong ang pamilya ng menor de edad na dinukot umano ng grupo ng kalalakihan na nakasakay ng isang kulay itim na SUV dakong 10 p.m nong biyernes sa Albano St. District 3, Cauayan City. 

Ang biktima ay si Eljay Baustista, 16-anyos at residente ng Marabulig 1, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Janice Marcelo, ina ng biktima, sinabi niya na nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang anak at sinabi na siya ay dinukot.

Noong February 25 ay nagpunta si Eljay sa bahay ng kanyang mga kaibigan sa Barangay District 3 upang magpaalam bago bumalik sa Marikina.

--Ads--

Puwersahan umano siyang isinakay ng apat na kalalakihan sa isang Montero sport na kulay itim at walang plaka.

Tinangka umano ng ilang mga residente sa lugar na habulin ang SUV ngunit mabilis na nakaalis ang sasakyan.

Aminado si Ginang Marcelo na dahil sa impluwensiya ng barkada ay nasasangkot sa mga nakawan ang kanyang anak kaya panawagan niya sa mga kumuha sa kanyang anak na patawarin na lamang ito kung mayroon mang nagawang kasalanan.

Umaasa siya na maibabalik ng buhay ang kanyang anak subalit kung hindi man ay sana maipasakamay sa kanilang pamilya ang katawan nito upang matahimik na ang kanilang kalooban.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na sa pulisya ang kanilang pamilya at patuloy ang paghahanap sa mga CCTV footages na posibleng makakapagturo sa kinaroroonan ni Eljay.

Nanawagan siya na kung mayroon mang nakakaalam kung nasaan ngayon ang kanyang anak ay ipagbigay alam lamang sa numerong 09676247038/099555424716.