
CAUAYAN CITY – Nanawagan sa pamahalaan ang grupo ng mga Pilipino sa Hongkong na bigyan ng temporary shelter ang mga Pilipinong nagpopositibo sa COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Bombo International News Correspondent Emman Villanueva, chairman ng Bayan Hongkong and Macau Chapter na ang kailangan ngayon ng mga Pilipinong nagpopositibo sa COVID-19 sa Hongkong ay temporary shelter dahil kahit magpadala ang pamahalaan ng Pilipinas ng mga doktor o mga health workers ay wala rin silang magagamit para mabigyan ng health assistance ang mga Pinoy.
Aniya, karamihan sa mga napabalitang Pilipino na walang mapuntahan dahil hindi pinauwi ng amo at hindi tinanggap sa pagamutan dahil punuan ang nasa mga temporary shelter o facilities ngayon na ibinibigay ng mga NGOs at simbahan.
Sa kanilang grupo ay hindi lamang ang pagbibigay ng pansamantalang matitirhan ang kanilang ibinibigay na tulong dahil nagdadala rin sila ng mga pagkain, gamot, test kits, bitamina sa mga Pilipinong hindi binibigyan ng kanilang mga amo gayundin na nagbibigay din sila ng financial assistance.
Mahigit 30 Pilipino na ang kanilang natulungan na karamihan ay naterminate pero kung isasama ang ibang lahi tulad ng mga Indonesian ay nasa 90 na.
Hindi naman aniya nila kayang bigyan ng temporary shelter ang mga nagpopositibo sa RT-PCR test.
Ayon kay Villanueva kung ang konsolada ng Pilipinas o Indonesians sa Hongkong ay mayroon sanang temporary shelter, walang magiging problema.










