
CAUAYAN CITY – Naniniwala ang isang International Legal Analyst at Professor sa University of the Philippines College of Law na napaghandaan na ng Russia ang mga posibleng epekto ng pananakop sa Ukraine.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Rosel Tugade, International Legal Analyst at Professor sa University of the Philippines College of Law na malakas ang loob ni Russian President Vladimir Putin na gawin ang pananakop sa Ukraine dahil mayroon silang military might kaya posibleng napaghandaan na ng Russia ang ano mang sanction laban sa kanila.
Gayunman ay malakas ang disinformation sa Russia na nangunguna sa state sponsored misinformation sa buong mundo kaya walang nakakaalam sa tunay na nangyayari sa buong Russia sa ngayon.
Hindi aniya malayong may pagtatago na nangyayari dahil talamak ang disinformation sa naturang bansa.
Katunayan maging ang mga international analyst ay hindi alam ang tunay na nangyayari ngayon sa Russia.
Ayon pa kay Atty. Tugade, gustong sakupin ng Russia ang Ukraine dahil mayroon silang historical claims na hindi nalalayo sa ginagawa ng China sa Taiwan at sa West Philippine Sea.
Nakikita ng mga eksperto na natatakot ang Russia sa posibleng pagsali ng Ukraine sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) dahil baka magkaroon ng escalation kung nagkaroon ng presensya ng western military sa Ukraine.
Sa ngayon ay marami nang sanction regimes na umiiral sa Russia at posibleng may epekto ito sa mga negosyo sa naturang bansa dahil napifreeze ang asset nila.
Dahil dito, posibleng may business interest na umiiral sa pananakop ng Russia sa Ukraine.
Binigyang diin pa ni Atty. Tugade na ang ginagawang ito ng Russia laban sa Ukraine ay labag sa international law.
Ang Russia at Ukraine aniya ay bahagi ng United Nations at sila ay parehong member state.
Bilang miyembro ng UN system ay dapat iwasan nila ang paggamit ng dahas.










