CAUAYAN CITY – Wala pang gabay ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station kung sino ang mga lalakihang dumukot sa isang menor de edad sa Albano Street, Barangay District 3, Cauayan City.
Unang nanawagan ang pamilya ng menor de edad na si Eljay Bautista, 16 anyos at residente ng Marabulig I,Cauayan City sa grupo ng kalalakihan na sakay ng isang kulay itim na SUV dakong 10:00PM noong February 25, 2022 ibalik na sa kanila ang biktima.
Ayon sa Cauayan City Police Station, wala pa silang impormasyon na hawak hinggil sa nasabing pangyayari at maging ang pamunuan ng Barangay District 3 ay blangko rin sa nasabing insidente dahil ayon kay Punong Barangay Estoy Meris, walang CCTV sa naturang lugar.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Janice Marcelo, ina ni Eljay, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga otoridad upang malaman kung ano ang nangyari at kung saan dinala ang kanyang anak.
Una nang sinabi ni Ginang Marcelo na noong February 25, 2022 ay nagpaalam si Eljay na pupunta sa bahay ng kanyang mga kaibigan sa Barangay District 3, Cauayan City upang magpaalam sa kanila bago bumalik sa Marikina City.
Gayunman, kinagabihan ay puwersahan umano siyang isinakay sa isang SUV na kulay itim na walang plaka ng apat na lalaki.
Ayon kay Ginang Marcelo, isinalaysay sa kanya ng kaibigan ng anak na kasama nito noong mangyari ang pagdukot na tinangka rin siyang dukutin ng mga suspek ngunit hindi nakuha.
Muling nanawagan si Ginang Marcelo sa mga dumukot sa anak na patawarin na kung may nagawang kasalanan ang kanyang anak at umaasang babalik ng buhay.
Huling nakita si Eljay na nakasuot ng kulay itim na jacket, naka-crop top at nakasuot ng kulay puting short.
Ganito ang bahagi ng pahayag ni Ginang Janice Marcelo.




