CAUAYAN CITY – Walang nasugatan sa panig ng pamahalaan at mga rebelde makaraang makasagupa ng mga kasapi ng 95th Infantry Batallion Phil Army ang umaabot sa pitong Communist Terrorists na pinaniniwalaang miyembro ng Central Front Remnants Komiteng Probinsiya ng Isabela na nasa ilalim ng Kilusang Rehiyon Cagayan Valley sa Barangay Diana, Maconacon Isabela.
Ito ay makaraang mauwi sa bakbakan ang sumbong ng mga concerned citizen na pangingikil ng NPA sa kanilang komunidad,.
Tumagal ng mahigit limang minuto ang nasabing putukan bago tumakas ang mga rebelde sa iba’t ibang direksyon at walang naiulat na nasugatan
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Captain Rigor Pamittan, DPAO Chief ng 5th Infantry Division Phil. Army na pagkain tulad ng bigas ang pangunahing hinihingi ng mga rebelde sa mga mamamayan.
Ayon sa mga concerned citizen ng Barangay Diana, Maconacon, Isabela, pinaplano rin ng Communist Terrorist Groups na mangikil ng mga pagkain sa mga tao sa komunidad para mapanatili ang kanilang grupo.
Dahil sa sumbong ng mga concerned citizen ay agad na naalerto ang mga kasapi ng 95th Infantry Battalion sa kanilang presensya kaya nagsagawa ng combat patrol sa lugar na nagresulta ng bakbakan.










