CAUAYAN CITY– Dumadaing na ang ilang magsasaka sa Santiago City dahil sa patuloy na pagtaas ng farm inputs pangunahin na ang presyo ng produktong petrolyo.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 1,900 pesos hanggang 2,450 pesos ang isang sako ng abono depende sa brand na bibilhin.
Maliban dito ay problema rin ng ibang magsasaka ang labor at mga makinaryang ginagamit sa pagsasaka.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa ilang farm inputs dealers dumoble na rin kasi ang presyo ng mga agricultural products kaya mataas ang kanilang benta.
Ayon kay Ginang Rachelle Manrique, cashier ng isang Agri-supply store noong wala pang pandemya ay mababa lamang ang presyo nito ngunit nang magkaroon ng covid pandemic ay nagtaasan na ang presyo.
Aniya kahit sila ay nabibigla rin sa pagtaas ng presyo ngunit wala silang magawa dahil sila ay umaangkat din nito.
Samantala, ayon naman kay Ginoong George Rosales masyadong mataas ang presyo ng farm inputs kumpara sa presyo ng palay.
Aniya dahil sa napakataas na presyo ng farm inputs ay binabawasan na ng ilang magsasaka ang kanilang ginagamit sa kanilang mga sakahan.
Umaasa ang mga magsasaka na ibaba ng pamahalaan ang taripa sa Abono upang sila ay kumita rin.
Lubhang dehado umano ang mga magsasaka dahil sa sobrang mahal na farm inputs kaya umaaasa silang sa mga susunod na anihan ay magiging mataas na rin ang presyo ng palay.











