CAUAYAN CITY – Dahil sa tulong ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ay natukoy ang 25 Marijuana plantation sa tatlong barangay sa bayan ng Tinglayan.
Matatandaang, umaabot sa 339,915,000 ang halaga ng mga tanim na Marijuana sa 121,300 square meters sa mga barangay ng Tulgao, Loccong at Butbot ang binunot at sinunog ng mga otoridad.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCol. Peter Tagtag, Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office (KPPO) na sa tulong ng satellite ng NICA ay natukoy ang mga Marijuana plantation sa mga liblib na barangay ng Tinglayan, Kalinga.
Marami ang kanilang natukoy na Marijuana plantation sa mga liblib na lugar dahil sa paggamit ng makabagong teknolohiya ng NICA.
Sinabi ni PCol. Tagtag na 300 na kasapi ng Philippine National Police (PNP), Philippine Army (PA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Coastguard ang nagtulong tulong upang sirain at sunugin ang taniman ng mga Marijuana sa naturang lugar.
Sobrang malayo aniya ang mga Marijuana plantation dahil nilakad nila ng kalahating araw hanggang isang araw bago nakarating sa mga lugar na kinaroroonan ng mga ito.
Ang pahayag ni PCol Peter Tagtag.




