--Ads--

CAUAYAN CITY – Mayroon nang lead o gabay ang Cordon Police Station sa panloloob sa isang bangko at umabot sa 714,000 pesos na laman ng Automated Teller Machine (ATM) ang natangay ng mga hindi pa nakilalang suspek.

Ang Producers Bank sa Magsaysay, Cordon, Isabela ay nilooban ng mga suspek sa  pamamagitan ng paghukay ng tunnel patungo sa likod ng ATM na nasa loob ng opisina ng manager ng bangko.

Ipinabatid sa Cordon Police Station ni Ginoong James Sioson, account officer ng Producers Bank ang robbery incident.

--Ads--

Batay naman sa sinumpaang salaysay ng security guard na si Pedro De Vera, nalanghap nila ang masansang na amoy sa loob nang buksan nila ang bangko.

Natagpuan nila ang malaking butas sa loob ng opisina ng manager at nadiskubreng nalimas ang laman ng ATM na umabot sa 714,000 pesos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Fernando Mallillin, hepe ng Cordon Police Station na naghukay ng butas ang mga suspek sa isang bahay papasok sa drainage canal na dinaanan nila sa paghukay ng tunnel patungo sa likod ng ATM.

Batay sa CCTV Camera, alas tres ng madaling araw nakapasok sa bangko ang mga suspek.

Ayon kay PMaj Mallillin, nagsasagawa na sila ng malalimang imbestigasyon para matukoy ang grupo na may kagagawan sa panloloob sa bangko.

Natukoy na nila ang may-ari ng bahay na 800 meters ang layo mula sa bangko at naging entry point ng mga suspek sa pagpasok sa drainage canal na nasa harapan ng bangko.

Wala nang natagpuang tao ang mga awtoridad sa bahay na pag-aari ni Juan Aliguyon ngunit nakuha sa lugar ang mga kagamitang hinihinalang ginamit sa paghuhukay.

Natagpuan sa lugar ang isang piraso ng cutting disc, isang blue na  bullcap, dalawang metal hacksaw, isang steel pipe at dalawang square logs na gagamiting ebidensiya laban sa mga nanloob sa bangko.

Ang pahayag ni PMaj Fernando Mallillin.