
CAUAYAN CITY – Bumuo na ng Investigation Task Force ang Isabela Police Provincial Office o IPPO para matukoy ang utak at pagkakakilanlan ng nasawing pinaghihinalaan sa naganap na pamamaril sa isang kasalan sa Dalenat, San Pablo, Isabela na ikinamatay din ng isang barangay Kagawad at ikinasugat ng walong iba pa.
Ang namatay ay si Barangay Kagawad Girliy Telan ng Simanu Sur, San Pablo, Isabela habang kabilang sa walong nasugatan si Punong Barangay Brixsio Gammaru.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCol. Julio Go, Provincial Director ng IPPO na nagpapatuloy ang kanilang pagsisiyasat sa naganap na pamamaril sa isang kasalan sa San Pablo, Isabela.
Ayon kay Col. Go napuruhan ng tama ng bala ng baril si Barangay Kagawad Telan dahil kasalukuyang isinasayaw ni Gammaru nang puntiryahin ng pinaghihinalaan ang barangay Kapitan.
Dahil kasalan ay maraming nadamay at nasugatan sa naturang pamamaril.
Sa ngayon ay inaalam ang pagkakilanlan ng pinaghihinalaan na namatay din sa naturang pangyayari.
Inihayag ni Col. Go na batay sa salaysay ng mga nakasaksi, si punong Barangay Gammaru ang puntirya ng gunman dahil pangatlong beses nang pinagtangkaan ang kanyang buhay.
Inaalam na ng pulisya ang motibo sa pamamaril ng pinaghihinalaan at hindi pa masabi kung mayroong kinalaman sa politika.




