
CAUAYAN CITY – Dalawang gasolinahan ng Flying V sa Lunsod ng Cauayan at Gamu, Isabela ang hinoldap kaninang hatinggabi.
Dalawang lalaki na sakay ng kotse ang nangholdap sa gasolinahan ng nasabing kompanya sa Prenza highway, district 1, cauayan city.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, tinutukan ng baril ng mga suspek ang dalawang naka-duty na pump attendant.
Dakong alas dose ng hatinggabi habang nagse-cellpone ang isang pump attendant nang dumating ang isang kotse na inakala nilang magpapagasolina.
Bumaba ang dalawang sakay ng kotse at tinutukan ng baril ang dalawang pump attendant at kinuha ang limang libong piso na kanilang napagbentahan.
Pagkaalis ng kotse ay dumating ang isang motorsiklo na magpapagasolina at kaibigan ng isang pump attendant kaya nagpatulong sila na maireport sa mga pulis na nagroronda ang naganap na panghoholdap sa gasolinahan.
Samantala, may nakuha ring impormasyon ang bombo radyo cauayan na ang branch ng flying v sa gamu, isabela ay hinoldap din ng dalawang suspek dakong alas dose kuwarenta ng hatinggabi.
Nagparada umano sa madilim na bahagi ang kotse na sinakyan ng dalawa ring suspek.
Nakuha nila ang siyam na libong piso mula sa nag-iisang naka-duty na pump attendant ng gasolinahan na pinukpok umano sa ulo.
Patuloy ang pagsisiyasat ng mga pulis sa panghoholdap sa dalawang gasolinahan.




