
CAUAYAN CITY – Agad na magsasagawa ng pag-review ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board o RTWPB region 2 matapos ipag-utos ni ni Kalihim Silvestre Bello III ng DOLE na bilisan ang proseso ng pag-review sa miminum wage sa bawat rehiyon.
Ito ay para makaagapay sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Chester Trinidad, Information Officer ng DOLE region 2 NA kailangang balansehin sa pamamagitan ng pagkunsidera sa kalagayan ng mga manggagawa at mga employer.
Ang umiiral na minimum wage sa region 2 na ipinalabas ng RTWPB noong 2020 ay 370 pesos.
Walang naganap na pagtaas noong nakaraang taon dahil sa matinding epekto ng COVID-19 pandemic at may mga nagsarang kompanya at marami ang nawalan ng trabaho.
Ayon kay Ginoong Trinidad, sa pagtatakda ng bagong wage rate ay magsasagawa ang RTWPB ng public hearing, konsultasyon at deliberasyon na dadaluhan ng mga kinatawan ng mga manggagawa, employer at partner agencies tulad ng NEDA at DTI para maging patas ang ilalabas na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.










