
CAUAYAN CITY – Kailangan pang magsumite ng mga requirements ang Isabela State University (ISU) sa Commission on Higher Education (CHED) para sa 100% face-to-face classes matapos itong aprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Ricmar Aquino, presidente ng ISU System na una na silang naghain ng mga requirements para sa limited face-to-face classes para sa academic programs sa 3rd at 4th year kasama ang mga nasa On-the-Job training (OJT).
Ayon kay Dr. Aquino, maaaring abutin ng dalawang linggo o isang buwan bago sila makatugon sa mga requirements sa CHED.
Kabilang sa mga requirements na ito ang clearance mula sa pamahalaang lokal para sa pagsasagawa ng face-to-face classes.
Kailangan aniyang matugunan nila ang mga requirements para hindi sila masisi kapag mayroong hindi kanais-nais na pangyayari.
Ayon kay Dr. Aquino, target nilang makasali na sa face-to-face classes ang mga 1st at 2nd year students ngunit nang makausap nila ang mga opisyal ng Supreme Student Council (SSC) ay idinulog nila ang suliranin sa public transport, mataas na singil sa pasahe at nagtaas na rin ng singil ang mga boarding house.
Ayon kay Dr. Aquino, kung hindi kayang matugunan ngayon ang mga requirements ay posibleng ipatupad na lamang ang 100% face-to face classes sa unang semestre ng school year 2022-2023.
Kailangan aniyang bakunado na kontra COVID-19 ang estudiyante para makasali sa face-to-face classes.
Hinggil sa graduation sa Hunyo, kung tuluy-tuloy ang pagganda ng sitwasyon kontra COVID-19 ay maaari nang isagawa ang in-person graduation.




