
CAUAYAN CITY – Dinakip sa entrapment operation ng mga pulis ang isang janitor dahil sa pangingikil umano sa isang guro sa tapat ng Cauayan City Sports Complex sa Tagaran, Cauayan City.
Ang suspek ay si Junel Ceria, 19 anyos at residente ng Minante I, Cauayan City habang ang biktima ay isang guro na nangungupahan sa San Fermin, Cauayan City.
Batay sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, nagtungo ang biktima sa kanilang himpilan upang ipabatid ang pangingikil sa kanya ng suspek ng 15,000 pesos kapalit ng hindi nito paglalantad ng kanilang sex video.
Dahil dito ay agad nagsagawa ng entrapment operation ang mga pulis at nagkasundo ang biktima at suspek na magkita sa nabanggit na lugar.
Inaresto ng mga pulis ang suspek matapos na maiabot ng guro ang envelope na naglalaman ng marked money at boodle money.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ceria, sinabi niya na matinding pangangailangan sa pera ang dahilan kung bakit niya nagawa ang pangingikil sa guro.
Aniya nakakulong ang kanyang ama at ang perang makukuha niya sa kanyang pangingikil ay gagamiting pandagdag sa piyansa para sa pansamantalang paglaya ng ama.
Dagdag pa niya, matagal na silang magkakilala ng guro at hindi nagpapautang kaya pangingikil na lamang ang kanyang naisip na paraan upang makakuha ng pera.
Nakapiit na ang suspek sa custodial facility ng Cauayan City Police Station at nagkausap na rin sila ng biktima at hinihintay pa kung itutuloy nito ang kasong isasampa laban sa kanya.










