
CAUAYAN CITY – Nanawagan ng tulong ang isang Ginang matapos hindi na umuwi sa kanilang bahay ang kanyang dalagang anak.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang ElsieLita Castillo, residente ng Barangay 4, San Mateo, Isabela na labis ang kanyang pag-aalala sa anak na si Jasmine Joyce Castillo, dalawamput isang taong gulang at graduating sa kursong BS Pharmacy.
Sinabi ni Ginang Castillo na noong Miyerkoles ng tanghali ay hindi na umuwi sa kanilang bahay ang anak at nag-iwan ng sulat na gusto lamang nitong makapag-relax.
Hinanap niya ang anak sa kanyang mga kaibigan at napag-alaman na may suliranin sa kanyang grado at hindi siya makaka-graduate sa Abril ngayong taon at nahihiyang sabihin sa kanyang ina.
Nag-aalala ang Ginang dahil napansin na may ibang gumagamit sa facebook account at messenger ng anak habang ang naiwang sulat sa kanilang bahay ay duda siyang ang anak niya ang gumawa.
Hindi na umano nila matawagan ang anak sa cellphone dahil naka-off habang napansin din nila na naka-block na rin sila sa social media account nito.
Ang kanyang anak ay nakasuot ng damit na pambahay na stripe black and white na sando nang ito ay huling nakita.
Nanawagan si Gng. Castillo sa kanyang anak na umuwi na sa kanilang bahay at kung sinuman ang kumukupkop sa anak at pagsabihan na umuwi na sa kanila.
Humingi na rin ng tulong ang ginang sa pulisya upang mahanap ang kanyang anak.










