--Ads--

CAUAYAN CITY – Mahalaga para sa isang political analyst ang mga debate kumpara sa isinasagawang ”snap shot” surveys sa mga presidential candidates.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dennis Coronacion, presidente ng Philippine Political Science Association, sinabi niya na ang mga debate ay nagbibigay ng tiyansa sa mga botante na kilalanin at kilatisin ang mga kandidato mula pagkapangulo, pagkabise presidente at senador.

Ito rin ang pagkakataon para sa mga kandidatong mai-showcase ang kanilang mga programa at plataporta upang magabayan ang taumbayan sa pagboto.

Nilinaw naman ni Coronacion na ang hindi pagdalo ni presidential candidate Bong Bong Marcos ay maaaring bunga ng hindi pagbaba ng ratings nito sa mga nakalipas na survey sa kabila ng patuloy na hindi nito pagdalo sa mga ino-organisang presidential debates.

--Ads--

Ito aniya ay nakakalungkot na bagay dahil sila ng kanyang katandem na si Mayor Sara Duterte ang parating nangunguna sa surveys na nagpapataas ng tiyansang manalo sila sa tinatakbuhang posisyon subalit hindi nila malinaw na naihahayag o naipapaunawa sa taumbayan ang kanilang mga plataporma.

Ang survey ay maitututring na Snap Shots lamang dahil marami ang maaaring magbago sa ratings nito partikular sa mga naglalabasang issue patungkol sa bawat kandidato.

Para sa kanya ay mas kapanipaniwala ang survey na isinasagawa sa pamamagitan ng Random Sampling tulad ng pamamaraan ng SWS at Pulse Asia sabalit nilinaw niya na may iba’t ibang uri ng pamamaraan sa pagsasagawa ng survey tulad ng Octa at iba pa.

Payo niya sa mga botante na huwag lamang magpaapekto sa survey dahil mas mainam na makinig at sumubaybay sa mga debate na ipinagkakaloob ng COMELEC dahil ang hindi pagdalo rito ay kawalan ng kandidato at hindi ng mga botante.