--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinaigting ng Department of Agriculture (DA) region 2 ang surveillance at monitoring sa mga checkpoint  dahil sa mga naitalang kaso ng bird flu virus sa ikatlo at ikaapat na rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Executive Director Narcisco Edillo ng DA region 2 na  ang carrier ng virus ay mga migratory birds na galing sa ibang bansa.

Pumunta sila sa bansa dahil sa magandang klima kumpara sa China na malamig ngayon ang panahon.

Sa Candaba, Pampanga ay nagkaroon  ng mga  kaso ng bird flu virus kaya isinailalim sa culling ang mga pato at pugo.

--Ads--

Dahil dito ay pinaigting ng DA region 2 ang monitoring sa mga checkpoint at pansamantalang ipinagbawal ang pagpasok ng mga dumi ng mga manok na ginagamit na pataba ng mga nagtatanim ng gulay lalo na kung galing sa mga lugar na may kaso ng bird flu virus.

Ayon kay Regional Director Edillo, sa Cabagan at San Mateo, Isabela na may lugar na dinadayo ng mga migratory birds ay kumuha sila ng mga sample at negatibo naman sa bird flu virus.

Ang na-detect ng intergrated laboratory sa region 2 ay ipinasuri nila sa integrated laboratory sa region 3 at Quezon City at negatibo ang resulta.

Pinayuhan ni Ginoong Edillo ang mga nag-aalaga ng pato at pugo na maging mapagmatyag. Ang mga hunter naman ay huwag barilin at iuwi  ang mga puting ibon tulad ng mga heron o  kannaway para mapangalagaan ang mga alagang pato.

Ayon kay Ginoong Edillo, ang region 2 ay bird flu free  pa rin ngunit hindi sila nagpapakampante kundi patuloy ang kanilang surveillance at monitoring.

Nagtutulungan ang mga ahensiya sa ilalim DA tulad ng Bureau of Animal Industry at Bureau of Plant Industry para mabantayang mabuti ang apat na entry points sa ikalawang  rehiyon.

Samantala, nabanggit ni Regional Director Edillo na bawat ibon o pato na dalawang buwan pataas na namatay sanhi ng bird flu virus sa region 3 at 4A ay may financial assistance na  ibibigay ang DA.

Ang mga nag-aalaga  ng pato, itik at pugo ay dapat na ireport agad sa pinakamalapit na tanggapan ng DA kapag namatay ang mga alaga sanhi ng bird flu virus.

Ipinagbawal muna ng DA region 2 ang pagpasok ng mga nag-aalaga ng itik mula sa ibang rehiyon na nais ipastol sa alinmang lugar sa ikalawang rehiyon para mahadlangan ang pagkalat ng bird flu virus.

Maging ang pansamantalang pagbabawal sa pagpasok ng mga pataba mula sa dumi ng manok ay hanggang katapusan ng Marso para mapangalagaan ang poultry industry sa rehiyon.

Kailangan aniyang balansehin kung ano ang pangangailangan at maaapektuhang sektor.

Sinabi ni Ginoong Edillo na umaasa sila na hindi makakaapekto ang bird flu sa ikalawang rehiyon at babalik na ang mga migratory birds sa pinanggalingan nilang bansa kapag hindi na malamig ang panahon doon.

Ang pahayag ni Regional Executive Diretor Narciso Edillo ng DA region 2