
CAUAYAN CITY – Walumpong bahagdan na ang kahandaan ng Commission on Elections (COMELEC) Region 2 para sa May 9, 2022 National and local elections.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng COMELEC Region 2 at tumatayong election officer ng COMELEC Cauayan City na handa na ang rehiyon sa darating na halalan at hinihintay na lamang nila na dumating ang mga election paraphernalia na manggagaling sa Metro Manila.
Aniya, tapos na ang pagsasanay ng electoral board sa Quirino at Nueva Vizcaya habang sa Isabela ay huling araw na kahapon at sa Cagayan naman ay mayroon pa sa susunod na linggo.
Dalawang araw ang isinasagawa nilang pagsasanay kung saan sa unang araw ay lecture ang ginagawa at sa ikalawang araw naman ay certification na isinagawa ng Department of Science and Technology (DOST).
Tinitingnan rito kung sapat na ang kanilang kaalaman para ioperate ang vote counting machine (VCM).
Ayon kay Atty. Cortez, kailangan ang certification para sa pag-operate ng VCM at dalawa sa bawat presinto ang sinasanay.










