--Ads--

CAUAYAN CITY – Idinulog sa Bombo Radyo Cauayan ng anak ng isang miyembro ng New Echague Senior Citizens Association (NESCA) ang kanilang reklamo sa hindi pa rin natatangap na benepisyo ng kanyang ina na isang taon ng sumakabilang buhay.

Ayon kay Fernando Sapla ng Gumbaoan, Echague, Isabela, dalawampu’t isang taon na miyembro ng NESCA ang kanyang ina at regular na nagbabayad ng kontribusyon tuwing may pumapanaw na miyembro.

Noong nakaraang taon ay namatay ang kanyang ina subalit wala silang natanggap sa P28,000 na sinasabing benepisyo umano nito mula sa NESCA.

Una na nilang naidulog sa asosasyon ang kanilang reklamo at kinuha ang resibo ng kanilang binayarang kontribusyon upang macompute subalit hanggang ngayon ay wala pa rin silang natatanggap.

--Ads--

Iniyahag rin aniya ng NESCA na babayaran ang kanilang inihulog kung sakaling makapag-ipon muli ng koleksyon ang asosasyon mula sa mga natitirang miyembro.

Sa hiwalay na panayam, inamin ni Juliana Sotelo, treasurer ng NESCA na may ilang pumanaw na miyembro ng asosasyon ang hindi pa rin nila nababayaran hanggang ngayon.

Paliwanag niya na mula ng sumakabilang buhay ang dating treasurer ng NESCA ay siya ang tinalagang Acting Treasurer hanggang sa naging isa na siya sa mga Board of Directors ng asosasyon.

Aniya, mula ng maupo bilang treasurer taong 2021 ay walang naipasakamay sa kanyang koleksyon ang dating treasurer at sa katunayan ay mahigit isang daang libo na lang ang koleksyon ng NESCA noon pang 2021 na pinagkakasya para sa mga miyembro o pamilya ng mga pumanaw na miyembro.

Batay sa kanilang panuntunan bawat papanaw na miyembro ay makakatanggap ng P28,000 at P1,000 naman sa mga miyembrong delinkuwente.

Una na rin nilang nakausap ang pamilya ng mga nasawing NESCA members may kaugnayan sa kakulangan ng pondo at sa pagnanais na hati-hatiin nalang ito para maipamahagi subalit ayaw umano nilang pumayag dahil gusto nilang makuha ang halaga na dapat nilang makuha ayon sa computation mula ng sila ay maging miyembro.

Ang kakulangan ng koleksyon ay dahil mas malaki na ang natatanggap na benepisyo ng mga pumapanaw na miyembro kumpara sa binabayaran sa koleksyon ng mga nalalabing miyembro ng NESCA.

Sa katunayan mula sa mahigit 300 ay higit 90 na miyembro na ng NESCA ang pumanaw at iilan na lamang ang regular na nakakapagbigay ng kanilang kontribusiyon dahil dito ay pansamantala nilang ipinatigil ang koleksyon para sa buwan ng Enero.

Hindi na rin niya nacontact ang presidente ng NESCA at pahirapan pa rin para sa kanya ang mag-organisa ng pagpupulong para sa Board of Directors.