
CAUAYAN CITY – Desidido ang pamilya ng pulis na nasawi sa aksidenteng naganap sa National Highway na nasasakupan ng Laurel, Cordon, Isabela na sampahan ng kaso ang mga sangkot na tsuper.
Matatandaang, ang mga sangkot na sasakyan ay isang Isuzu Elf truck na may kargang Rice Reaper at minaneho ni Jose Aranda Jr, 54-anyos, driver at residente ng Suerte, Quirino, Isabela, isang Toyota Fortuner na minaneho ni Kevin Dela Cruz, 32-anyos, magsasaka at residente ng Bayombong, Nueva Vizcaya at isang Yamaha Mio Gravis na minaneho ng nasawing pulis na si PMSgt. Miller Aglabtin, 34-anyos, nakatalaga sa Regional Training Center (RTC2) sa Cauayan City at residente ng Bayawas, Aguilar, Pangasinan.
Sa pagsisiyasat ng Cordon Police Station, binabagtas ng Elf Truck at SUV ang parehong linya patungong timog na direksyon.
Batay sa kuha ng CCTV, nagdahan-dahan sa pagtakbo ang Elf Truck nang bigla na lamang sumalpok sa likurang bahagi ang humaharurot na SUV.
Tumilapon sa kabilang linya ng daan ang SUV dahilan para madamay ang paparating na motorsiklo na minamaneho ni PMSgt. Aglabtin.

Nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang pulis at idineklarang dead on arrival sa ospital.
Dinala rin sa ospital si Dela Cruz na nagtamo rin ng mga sugat sa katawan at maayos na ang kalagayan ngayon.
Sa imbestigasyon ng pulisya nasa impluwensiya ng alak si Dela Cruz nang mangyari ang aksidente.
Kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, physical injuries at damage to property ang inihain sa tsuper ng Elf Truck at SUV na sasailalim sa inquest proceedings ngayong araw.










