CAUAYAN CITY – Labis ang paghihinagpis ang isang ginang na maybahay ng isa sa dalawang nalunod sa Buswak spring o bukal sa bahagi ng Barangay Rizal, Diffun, Quirino ilang araw na ang nakakaraan
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Milagros Alog ng Purok 3 Rizal, Diffun, Quirino na pang-apat na araw nang pinaghahanap ang kanyang mister na si Fidel Alog,38 anyos matapos mangisda sa isang bukal noong gabi ng March 30, 2022.
Wala anya siyang alam sa tunay na nangyari sa kanyang mister ngunit ang kuwento ng mga nakakita ay sumisid si Alog sa bukal at pumasok sa loob ng kuweba na nasa ilalim ng bukal.
Nagtulong tulong anya ang mga kasapi ng PNP, BFP, MDRRMO at Phil. Coastguard upang hanapin ang kanyang mister.
Noong April 1, 2022 l ay nagboluntaryong sumusid si Eddie Ancheta, 60 anyos, may-asawa, residente ng Aglipay, Quirino upang hanapin si Alog ngunit hindi na rin naka-ahon mula sa Buswak spring o bukal .
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Christopher Lorenzo na nauna silang nangisda ng isa niyang kasama at papauwi na ngunit nakasalubong nila si Alog kayat kanilang sinamahan.
Tatlong beses anyang sumisid sa ilog si Alog ngunit sa pangatlong pagsisid nito ay hindi na nakaahon at hindi na rin nila naaninag ang ilaw ng gamit nitong flashlight
Mayroon silang hinala na baka naisabit sa loob ng kuweba ang biktima kayat hindi na nakalabas .
Dito anya sila humingi ng tulong upang hanapin ang biktima
Sinabi pa ni Lorenzo na sumisid din si Ancheta sa lugar kung saan sumisid si Alog ngunit hindi na rin nakalabas mula sa kuweba na nasa ilalim ng bukal.
Katuwang din ang Phil. Coastguard sa paghahanap sa mga biktima ngunit nahirapan sila sa paghahanap dahil sa hindi malinaw ang tubig bukod pa sa malalim ang tubig kung saan nangisda si Alog.
Ipinatigil ang rescue operation dahil sa napaka-delikado at mahirap sisirin ang naturang bukal o spring na mayroong kuweba sa loob.










