CAUAYAN CITY – Patuloy ang paghahanda ng Qatar para sa isasagawang FIFA World Cup.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gary Caube, Pinoy na nasa Doha, Qatar, sinabi niya na kasalukuyan ang pagpapatayo ng mga stadium at konstruksyon sa mga highways upang maiwasan ang pagsikip ng daloy ng trapiko dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga fans na manonood sa mga event sa FIFA World Cup.
Aniya, excited na ang lahat maging silang mga Pinoy na nasa Qatar dahil ito ang unang pagkakataon na makakapanood sila ng nasabing palaro.
Sikat na sikat ang larong football sa mga mamamayan sa naturang bansa karamihan sa mga business establishments ay makikitaan ng mga posters ng mga football players at teams.
May mga teams nang nagtungo sa nasabing bansa upang magsanay at inaasahan ng pamahalaan na dadagsa ang mga turista at fans na nais manood ng mga event sa world cup.
Ayon pa kay Caube mabilis na nakarekober ang Qatar sa Covid-19 Pandemic at sa kasalukuyan ay nasa isang libo pa rin ang aktibong kaso ngunit mabilis naman ang vaccination rollout kaya hindi gaanong tumataas ang kaso.