
CAUAYAN CITY– Nanawagan ang Election Watch Dog na kontra Daya kay Pangulong Rodrigo Duterte na tigilan na ang ginagawang red tagging sa ilang party list group.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ginawa ni Prof. Danilo Arao, Convenor ng election watchdog na Kontra Daya ang kanang panawagan matapos ang pagkondena ni Pangulong Duterte sa party-list system sa bansa na ginagamit lamang ng mga komunistang grupo.
Ayon kay Prof. Arao sa halip na mag red tag o magsagawa ng trial by publicity ay suportahan na lamang ang pagsusulong ng constitutional amendments upang matiyak na ang mga mahihirap na sektor ng lipunan ang tunay na makikinabang sa Partylist system.
Sa pamamagitan ng pagbabago ng ilang probisyon ng saligang batas anya ay maaaring mabago ang ilang nilalaman ng party-list system act of 1999 subalit kaakibat nito ang ilan ring pagbabago sa iba pang probisyon ng saligang batas pangunahin na ang mga may kinalaman sa ekonomiya .
Isa anya itong magandang batas subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapatupad ang mungkahing pagsusuri sa Income Tax return ng kinatawan ng partylist group.
Halimbawa rito ay ang pagkakaroon ng akmang income tax return para sa mga kinatawan ng Partylist group na kakatawan sa marginalized sector o under represented.
Ang nakikita namang dahilan kung bakit maraming panukalang susugan ang partylist system act ay dahil karamihan sa mga kumakatawan sa patylist group ay kabilang sa mga mayayaman at political dynasty.
Dahil sa may quasi judicial at quasi legislative function ang COMELEC at kung gugustuhin nito ay maaari itong magdagdag ng restriction sa mga party list nominee at maaaring higpitan ang proseso at pagsala sa mga tumatakbong party list group subalit hindi umano ito magawa ng komisyon dahil sa takot na makasuhan ng mga makapangyarihan, mayayaman at mga pamilyang politiko na kabilang sa political dynasty.










