
CAUAYAN CITY – Tuluy-tuloy hanggang matapos ang 2022 ang pagpapatupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD) Program sa mga kuwalipikadong benepisaryo lalo na ang mga nasa informal sector na nawalan ng trabaho.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo cauayan, sinabi ni Ginoong Chester Trinidad, Information Officer ng DOLE region 2 na ang huling payout ay isinagawa sa Bayombong, Nueva Vizcaya at 478 workers ang nabigyan ng assistance sa TUPAD Program.
Nadoble aniya ang 18 billion pesos na pondo noong 2021 at naging 36 billion pesos ngayong 2022 kaya tuluy-tuloy ang programa hanggang matapos ang taon .
Ayon kay Ginoong Trinidad, dalawang paraan ang pagpapatupad sa programa. Ang isa ay ang direct implementation na sila mismo ang nagpapatupad at ang ikalawa ay sa pamamagitan ng kanilang accredited partners tulad ng mga Local Government Units (LGU’s).
Pinupuntahan nila ang lahat ng mga payout para matiyak na nasusunod ang halaga na nakasaad sa guidelines ng programa.
Bilang regular na programa ng DOLE ay bukas sa mga aplikante ang TUPAD dahil maraming informal workers ang apektado ng kawalan ng trabaho.
Katuwang nila ang Public Employement Service Office (PESO) at mga field offices ng DOLE sa pagtukoy sa mga benepisaryo.
Maaaring lumapit ang mga aplikante para sa assessment ang mga PESO at field offices ng DOLE.




