
CAUAYAN CITY – Pormal nang naiturn over ng Philippine Air Force at US Air Force ang natapos na naipatayong classroom ng Masi Elementary School sa Rizal, Cagayan at Taggat Elementary School sa Claveria, Cagayan sa pagtatapos ng Balikatan Exercises 2022.
Una nang naiturn over ang isa pang ipinatayong classroom ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa San Fransisco, Alicia, Isabela noong April 4.
Ang mga ito ay kabilang sa Engineering Civil Action Program ng RP-US BALIKATAN Exercises 37-2022.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Capt. Rigor Pamittan, DPAO Chief ng 5th Infantry Division, PA, sinabi niya na nakamit ng mga sundalong Pilipino at Amerikano ang palugit upang maipatayo ang nasabing mga classroom.
Kahapon ay pormal nang natapos ang 37th Balikatan Exercises.
Nasa siyam na libong Filipino at American service members ang sabay-sabay na nagsanay sa Northern Coast ng Luzon hanggang Palawan sa nakalipas na dalawang linggo.
Pangunahing sinanay ng mga sundalo ang maritime security, amphibious operations, live-fire training, urban operations, aviation operations, counterterrorism, humanitarian assistance at disaster response.
Ginanap ang closing ceremony sa AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo na dinaluhan nina General Andres Centino, AFP Chief of Staff; Major General Charlton Sean Gaerlan, PH Exercise Director, Brigadier General Joseph Clearfield, US Exercise Director Representative at Defense Undersecretary Cardozo Luna.
Nasa 50 aircraft, 4 na barko, 10 amphibious craft, 4 na High Mobility Artillery Rocket System launchers, at 4 na Patriot missile systems ang ginamit sa Balikatan 22.
Nasa 40 namang personnel mula sa Australian Defense Force ang nakilahok sa Balikatan.










