--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Isabela  ang pagbabaklas sa mga campaign materials na nakakabit sa mga hindi awtorisadong lugar pangunahin na sa mga puno ng mga kahoy.

Layunin ng hakbang na ito na maipromote ang environmental friendly na halalan.

Katuwang ng DENR-Isabela sa pamumuno ni PENRO Federico Cauilan Jr. ang ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Commission on Elections (COMELEC) – Isabela sa pamumuno ni Provincial Election Supervisor Michael Camangeg, DILG Isabela sa pangunguna ni Provincial Director Corazon Toribio, Isabela Police Provincial Office (IPPO) at iba’t ibang Community Environment and Natural Resources Officer (CENRO) sa Isabela.

Naglatag ang PENRO ng iba’t ibang ruta at limang team na kabilang sa Operation Baklas.

--Ads--

Ang unang team ay mula sa CENRO-Cabagan na may rutang San Pablo, Cabagan, Tumauini habang ang ikalawang team ay nagsimula sa Lunsod ng Ilagan hanggang sa bayan ng Naguilian.

Ang ikatlong team ay may rutang Reina Mercedes, Cauayan City at Alicia habang ang ikaapat na team ay sa bayan ng Echague, Santiago City at Cordon.

Ang ikalimang team ay sa mga bayan ng Roxas, Mallig, Quezon, San Manuel at Aurora.

Sa naging pagsasalita ni PENRO Cauilan Jr. sa isinagawang briefing bago sinimulan ang pagbabaklas ay sinabi niya na magpapatuloy ang Oplan Baklas hanggang sa matapos ang halalan gayundin ang monitoring sa mga campaign materials na ikinakabit sa mga puno at halaman.

Inamin  naman si Atty. Camangeg na malaking tulong sa COMELEC ang pakikipagtulungan ng DENR sa kanilang pagbabaklas dahil limitado ang kanilang mga kawani sa pagsasagawa nito.

Paalala ng DENR at COMELEC sa mga kandidato at sa kanilang mga tagasuporta na ikabit lamang ang kanilang mga campaign paraphernalia sa mga awtorisadong lugar upang hindi masayang at hindi maisama sa kanilang Operation Baklas.