--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasa ligtas ng kalagayan ngayon ang isang binata matapos na magtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa tulay kahapon ng umaga.

Ito ay sa tulong ng mga kasapi ng Delfin Albano Police Station, rescue team at mga tauhan ng BFP.

Ang binata ay 20-anyos at tubong Inyangan, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa inilabas na report ng Isabela Police Provincial Office, agad na rumesponde ang mga kasapi ng Delfin Albano Police Station sa pangunguna ni PMaj. Richard Limbo, hepe ng naturang himpilan ng pulisya matapos makatanggap ng tawag na may lalaki sa taas ng tulay na wala sa katinuan at umiiyak.

--Ads--

Nakipag-ugnayan din ang PNP sa rescue team ng nasabing bayan at agad nagtungo sa lugar para sa gagawing pagsagip.

Habang hinihintay ang mga gamit na bangka ng rescue team ay bigla na lamang tumalon ang lalaki sa nasabing tulay.

Hindi naman nag-atubiling sagipin ang biktima ng mga kapulisan at mga sibilyan gamit ang ginawang balsa kaya nailigtas at naiahon sa tubig ang binata.

Agad ding nilapatan ng paunang lunas at dinala sa pagamutan para sa atensyong medikal.

Ayon sa mga pulis, matagumpay ang pagsagip sa lalaki dahil malapit ito sa mga nakatalagang information hub sa pagdiriwang ng mahal na araw at ang agad na pagbibigay ng impormasyon sa mga kinauukulan gayundin ang maagap na rescue operation.

Sa ngayon ay nasa maayos nang kalagayan ang binata at naipagbigay alam na rin sa kanyang pamilya ang nangyari sa kanya.