
CAUAYAN CITY – Siyamnapong bahagdan nang handa ang DepEd Cauayan City sa isasagawang Deped Dos Regional Invitational Sports Events (RISE) na gaganapin sa April 25-28, 2022.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng SDO Cauayan City na nasa finishing touches na ang kanilang paghahanda pangunahin na ang pagpipintura sa mga basketball court at nakahanda na rin ang lahat ng kanilang sport facilities at equipment.
Ang billeting quarters ng mga delegasyon na mula sa iba’t ibang mga lalawigan sa ikalawang rehiyon ay nakahanda na rin.
Ang mga Game rules sa RISE ay walang pagkakaiba sa CAVRAA ngunit iniba ang selection dahil ang CAVRAA ay sobrang mahigpit ang ipinapatupad sa pagtanggap ng mga atleta kumpara sa RISE na na-modify ang selection ng mga mag-aaral at basta enrolled at dapat 18 pababa ang edad.
Sinabi pa ni Dr. Gumaru na darating na ngayong araw ang ibang delegasyon ng Batanes dahil kailangan nilang sumakay ng eroplano at hindi maaaring sabay-sabay sa pagsakay ang lahat ng mga atleta kaya napaaga ang pagdating ng ibang manlalaro.
Ang mga manlalarong kalahok sa RISE ay isasailalim sa swab test at kapag nag-positibo ay hindi papayagang maglaro subalit may medical team na mag-aasikaso sa kanila.
Pinapayagan namang manood ang mga may vaccination card sa Cauayan City Sports Complex dahil ito ay maluwag at open space.










