--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpapasalamat ang Schools Division Office (SDO) Cauayan City sa  pagkakaroon ng break ng mga mag-aaral at mga guro sa May 2 hanggang May 13, 2022 para mapaghandaan ang Local at National Election.

Matatandaan na inanunsyo ni Education Secretary Leonor Birones ang pagsuspende ng klase sa mga kindergarten hanggang Grade 12 sa mga pampublikong paaralan alinsunod sa inilabas na DepEd Order No. 29 Series of 2021-2022.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng SDO Cauayan City, sinabi niya na pagkakataon ito upang magkaroon ng pahinga ang mga estudyante at makapaghanda ang mga guro at mga paaralan sa nalalapit na halalan.

Aniya, kahit na online class at modular ang set-up ng mga mag-aaral ay kabilang pa rin sila sa nasabing break ngunit tuluy-tuloy pa rin ang kanilang pag-aaral dahil mabibigyan sila ng module at magulang na ang gagabay sa kanilang mga anak pangunahin na sa mga nasa mababang grade level.

--Ads--

Ayon pa kay Dr. Gumaru, hindi ito makakaapekto pagdating sa academic ng mga mag-aaral dahil maaari naman silang magbasa ng kanilang mga aklat, magsulat, sumagot sa mga aralin at iba pang mga karaniwang ginagawa sa loob ng paaralan.